ROLANDO PEÑA: MAKABAYANG SIYENTISTA SA LOOB AT LABAS NG AKADEMYA

Posted:

December 6, 2018

Body

Taos-pusong ipinapaabot ng AGHAM - Advocates of Science and Technology for the People ang aming pakikiramay sa anak, mga kaibigan, at mga kasama ni Rolando ‘Rolly’ Pena.

Nakadaupang-palad namin si Rolly sa mga ilang konsultasyon ukol sa West Philippine Sea noong 2009 kung saan siya at ilan pang mga eksperto ang nagpaliwanag sa hangganan ng mga tectonic plates na bumubuo sa Pilipinas at nagpatibay ng karapatan sa pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nakausap at nakatulong din namin si Rolly sa pagbubuo ng pananaw kung ano ang mahalagang papel ng pagmimina sa pambansang industriyalisasyon na malaki ang naging ambag sa pagbubuo at pagpapalaman ng People’s Mining Policy.

Bunsod ng kanyang mahabang karanasan bilang isang field geologist at petrologist sa dating Bureau of Mines, nabatid ni Rolly ang malaking pangangailangan ng pagbuo at sistematikong pagsinsin ng mga pangalan at uri ng mga bato o rock units sa Pilipinas. Sa kanyang matiyagang pagbabasa ng iba’t-ibang akademikong sulatin, manuskrito, at mga lumang dokumento, isinulat niya ang Lexicon of Philippine Stratigraphy at pinangunahan ang pagbuo ng Philippine Stratigraphic Guide - dalawang pinakaimportante at pangunahing sanggunian ng mga geologists sa pormal na pagpapangalan ng mga bato sa Pilipinas.

Sa labas ng akademya, napakatingkad din ng kanyang naging kontribusyon at inisyatiba. Noong panahon ng pasismo ng diktaduryang Marcos, kasama siya sa mga namulat na kabataan mula sa Unibersidad ng Pilipinas na naging miyembro ng Samahan ng Demokratikong Kabataan o SDK. Ang SDK ay pambansang demokratikong organisasyon ng mga kabataang aktibista noong Dekada 70 na lumaban kay Marcos. Naging malaki ang kontribusyon ng SDK sa First Quarter Storm, isang panahon ng ligalig na ipinakita ng maraming mga kilos protesta dahil sa deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos noong 1972.

Samakatuwid, si Rolando Peña ay isang halimbawa ng dapat tularan ng mga batang siyentista na patuloy na binibigyang halaga ang lipunang Pilipino sa kanyang pagiging geologist.

Pagpupugay kay Rolly! Makabayang siyentista sa loob at labas ng akademya! #